By devop devop
/
Personal na pinangunahan ni Department of Agriculture Secretary Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang pagpapasinaya ng dalawang malaking proyekto sa Victoria, Oriental Mindoro na naglalayong itaas ang kita ng mga magsasaka, bawasan ang mga post-harvest losses, at tiyakin ang seguridad sa pagkain sa isa sa mga pangunahing lalawigang nagsu-supply ng pagkain sa bansa. Tampok sa nasabing paglulunsad ang Oriental Mindoro Trading and Consolidation Facility (OMTCF), isang Php 33.5-milyong pasilidad na pinondohan sa ilalim ng Philippine Rural Development Project (PRDP). Ang 966.75-square-meter na hub ay magsisilbing sentrong bagsakan, imbakan, at bilihan ng mga ani upang hindi na baratin ang mga magsasaka ng mga middleman. “This is how you raise farmer incomes—not by telling them to plant more, but by making sure what they harvest actually reaches the market at the right price. (Ganito pinapataas ang kita ng mga magsasaka—hindi sa pamamagitan ng simpleng pagsasabing magtanim pa sila, kundi sa pagtiyak na ang kanilang inaani ay talagang nakararating sa merkado at naibebenta sa tamang presyo.),” pahayag ni Sec. Tiu Laurel. Mayroon ang pasilidad na 18 trading stalls, storage areas, at mga loading bay upang mapabilis ang pagbiyahe ng mga produkto mula bukid patungong mamimili nang hindi nasisira. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ang mga magsasaka ng mas maayos na ugnayan sa mga institutional buyers at maging sa mga online platform. Kaalinsabay nito, inilunsad din ang Provincial Demo Farm at ang Provincial Agriculture Center (PAC) na nakatuon sa pagpapataas ng halaga ng mga ani o value-adding. Ang mga pasilidad na ito ay nilagyan ng mga modernong teknolohiya gaya ng dehydrators, vacuum fryers, at baking systems para sa agri-processing. Tampok din ang FoodtrIP mobile processing truck na kayang magproseso ng mga sobrang ani tuwing peak season para hindi ito mabulok, pati na ang solar-powered greenhouse na gumagamit ng hydroponics para sa tuluy-tuloy na pagtatanim ng high-value crops. Ang PAC naman ay magsisilbing agri-incubation center na katuwang ng OMTCF upang matiyak ang maayos na daloy ng suplay base sa pangangailangan ng merkado. Samantala, buong suportang ipinahayag ni Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas sa inilunsad na pasilidad at mga proyekto ng lalawigan na layong mapadali ang pag-access ng mga magsasaka sa merkado. “Napakahalagang araw ito para sa MIMAROPA, lalo na para sa Oriental Mindoro, dahil ipinapakita nito na seryoso tayo sa isang holistikong paraan ng pagpapaunlad ng negosyo at pagdaragdag ng halaga sa mga produkto ng lalawigan. Asahan ninyo ang buong suporta ng aming tanggapan, lalo na ng Agribusiness and Marketing Assistance Division, sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya at sektor upang higit pang mapalawak ang potensyal at merkadong maaaring maabot ng ating mga magsasaka,” aniya. Sa kabilang banda, pinalawak din ng DA ang “Benteng Bigas, Meron Na!” Rice Project sa buong lalawigan sa pamamagitan ng KADIWA ng Pangulo, na inaasahang magbibigay-benepisyo sa humigit-kumulang 70,000 mamamayan. Ayon kay Assistant Secretary Genevieve E. Velicaria-Guevarra, ang pagpapalawak na ito ay napapanahon dahil sa paparating na anihan sa buwan ng Marso, kung saan sapat ang suplay sa mga bodega ng National Food Authority (NFA) para sa distribusyon. Bukod dito, nagpahayag din ng buong suporta ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa NFA at Food Terminal Inc. (FTI) upang matiyak na maayos at mabilis na makararating ang murang bigas sa mga target na benepisyaryo sa buong lalawigan.
All content is in the public domain unless otherwise stated.
All content is in the public domain unless otherwise stated.