Ang nasabing pondo, na ipinagkaloob sa ilalim ng Young Farmers Challenge (YFC) Program, ay nakalaan para sa pagtatatag ng CultivateX Hub. Ang pasilidad na ito ay idinisenyo bilang isang innovation at support center para sa mga YFC awardees at mga nagnanais na pasukin ang larangan ng agri-entrepreneurship. Sa ilalim ng proyektong CultivateX, magkakaroon ang mga benepisyaryo ng access sa mga makabagong kagamitan, makinarya, teknikal na suporta, mentorship, at networking opportunities. Naglalayon din itong magsilbing tulay para sa mga kabataang agripreneurs upang maisalin ang kanilang mga pananaliksik at inobasyon tungo sa mga produktong pang-agrikultura na handa na para sa merkado. Pinangunahan nina Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Chief Randy Pernia at Romblon Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Analiza Escarilla ang turn-over ceremony. Malugod naman itong tinanggap ng mga opisyal ng RSU ang naturang grant sa pangunguna ni Prof. Dr. Eddie G. Fetalvero, Vice President for Research, Extension, Development and Innovation ng nasabing paaralan. Binigyang-diin ni Dr. Fetalvero ang kritikal na papel ng mga unibersidad sa pagbuo ng mga negosyo mula sa akademikong pananaliksik. “Innovation must produce value. Research must create enterprise. Universities must help build business,” pahayag niya. Dagdag pa niya, ang mga technology-based research outputs ay dapat na mapakinabangan at kumikita sa labas ng papel. Kinilala rin sa naturang aktibidad ang mga YFC awardees mula sa RSU na sina David T. Fadriquel, Marben F. Fetilo, Francis G. Mortos, Ace Aldon M. Asis, at Mark Lambert Fornea, na siyang magiging mga unang benepisyaryo ng nasabing hub. Ayon kay David Fadriquel, owner ng Tropin at YFC 2024 Provincial at Regional Awardee, malaking tulong ang proyektong ito hindi lamang para sa kanilang mga kasalukuyang awardees kundi para sa susunod na henerasyon ng mga mag-aaral. “Maraming salamat po sa DA AMAD MIMAROPA sa pagbigay ng grant support, hindi lamang para sa amin na YFC awardees, kundi para na rin sa mga future agripreneurs na students, pwede nilang magamit ang machines. And by that, mas makakagawa tayo ng maraming enterprise or innovation na pwedeng magamit ng lahat dito sa RSU,” ani Fadriquel. Dagdag pa niya, ang Hub ay magsisilbing sentro ng kolaborasyon, “Ang mga aspiring entrepreneurs ay pwedeng makipagpartnership or makipagcollab sa RSU para sa paggawa ng mga enterprise or products para mas lumago at lumawak pa ang marating ng mga produkto.”