Pormal na pinagtibay ng Department of Agriculture–MIMAROPA at ng Wadhwani Foundation ang kanilang pagtutulungan sa pamamagitan ng paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) upang palawakin at patatagin ang suporta para sa mga kabataang agripreneur sa ilalim ng Young Farmers Challenge (YFC) Program. Isinagawa ang MOU Signing Ceremony sa DA–MIMAROPA Conference Hall noong Nobyembre 26, 2025. Dinaluhan ito nina Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas, OIC-RTD for Operations Emerson S. Yago, AMAD Chief Agriculturist Randy R. Pernia, at mga kinatawan mula sa Wadhwani Foundation na sina Country Lead Cris D. Delgado Jr. at Senior Associate Engr. Angelica F. Añabeza. Layunin ng kasunduan na palawakin ang pagsasanay sa pagnenegosyo, paggabay, at suporta sa digital learning para sa mga kabataang lumalahok sa YFC Program. Ipinapakita ng pagtutulungang ito ang simula ng mas matibay na ugnayan ng dalawang institusyon upang palakasin ang suporta para sa kabataang Pilipino, na kinikilala bilang mahalagang puwersa sa patuloy na pag-unlad ng sektor ng agrikultura. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Atty. Bañas ang kahalagahan ng kolaborasyon sa paghubog ng kinabukasan ng agrikultura sa rehiyon. “We are not just signing a Memorandum of Understanding, but instead we are planting a very powerful seed to have a bountiful harvest,” aniya. Ang Young Farmers Challenge (YFC) ay programa ng Department of Agriculture na nagsisilbing tulay para sa mga kabataang nais pasukin ang agripreneurship, nagbibigay ng puhunan, pagsasanay, at mga oportunidad upang maipamalas ang kanilang makabago at malikhaing ideya sa agrikultura. Ang Wadhwani Foundation ay isang organisasyong naglalayong pabilisin ang pag-unlad ng mga umuusbong na ekonomiya sa pamamagitan ng malawakang paglikha ng trabaho. Ipinatutupad nito ang mga inisyatibong nakatuon sa pagpapalakas ng entrepreneurship, pagpapaunlad ng kasanayan, at pagsusulong ng inobasyon.