Nakiisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa ika-labing isang Organic Agriculture Month na may temang, “Kabuhayang OA, Kinabukasang OK: Halina at Kumita sa Organikong Agrikultura!” noong ika-25 ng Nobyembre sa Lipa Culture and Arts Center, sa Lipa City, Batangas.
Dito ay ibinahagi ang mga napapanahong update mula sa National Organic Agriculture Board, mga programa ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) para sa mga kabataan at kababaihan, at mga oportunidad sa pagma-market ng organikong produkto hatid ng Luntiang Republika mula sa Alfonso sa Cavite.
Ibinida rin ng ilang kabataang magsasaka at miyembro ng samahan ang kanilang mga karanasan sa organikong pagsasaka. Parte rin ng aktibidad ang pagkilala sa mga piling magsasaka at LGU, kasabay ng pamamahagi ng Participatory Organic Certificates bilang patuloy na suporta sa pag-o-organikong agrikultura sa rehiyon.
Ani Christian Fernandez, na mula pa noong walong taong gulang ay nagsimula nang magsaka at hindi lumaki sa pribilehiyo ay nagtagumpay sa larangan ng pagsasaka, ay lalo pang magagawa ito ng mga kabataang may mas magandang oportunidad at edukasyon. Para sa kanya, hindi kailangan malaki ang simula; ang mahalaga ay ginagawa ito nang responsable, sustenable, at organiko.