Apat (4) na Associate Project Officers, labindalawa (12) na Community Development Officers, at pitong (7) kinatawan mula sa mga Local Government Units (LGUs) na sakop ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program ang lumahok sa Refresher Course on Livestock and Poultry Production and Management na ginanap sa Odiongan, Romblon, kamakailan.
Layunin nitong sariwain at palawakin ang kaalaman ng mga kalahok sa pamamahala ng livestock at poultry, tungo sa layuning mapabuti ang produktibidad at kabuhayan ng mga magsasaka.
Layunin ng aktibidad na higit pang patatagin ang teknikal na kasanayan ng mga personnel na direktang nagtatrabaho kasama ng mga magsasaka, lalo na sa pamamahala at pagpapatupad ng mga proyekto sa livestock at poultry, na bumubuo ngayon ng 42 sa 59 na ipinatutupad na proyekto sa rehiyon.
Tinalakay sa refresher course ang tatlong pangunahing paksa—swine, large at small ruminants, at layer at free-range chicken—na ibinahagi ni Assistant Professor Ruel Galvero mula sa Romblon State University – College of Agriculture, Forestry, and Environmental Science (CAFES).
Tinalakay din ang mga pamantayan sa pagpili at breeding, housing, wastong pag-aalaga at pamamahala ng weaners, guya, at sisiw, gayundin ang mga tamang gawain sa pagpapakain kabilang ang feed rationing para sa iba’t ibang growth stages gamit ang mga locally available na feed resources.
Matapos ang bawat technical session, tinalakay naman ni RSU-CAFES Dr. Sheryll Hope S. Gamol ang mga kaukulang paraan sa pag-iwas at pagkontrol ng sakit para sa bawat uri ng hayop.
Sa tulong ng kanyang expertise sa veterinary medicine, naibahagi ng mga kalahok ang kanilang mga isyu at alalahanin sa kani-kanilang asosasyon, at natalakay ang mga dapat at hindi dapat gawin sa pag-iwas sa sakit.
Ipinahayag naman ni Vilmar Robes, Community Development Officer II na nakatalaga sa Bayan ng Magsaysay, Palawan ang kanyang pasasalamat at hangarin mula sa pagsasanay:
“Yung mga natutunan po namin dito, siyempre ipapasa po namin sa mga farmers na hawak po namin. Hopefully kahit wala na si SAAD, magamit po nila ‘yun, and then as CDO din po, magagamit ko rin siya.”
Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat si Roland Jay Galicia, Agricultural Technician at Livestock Coordinator mula sa San Andres, Romblon. Aniya, “Maraming salamat po. Magagamit namin talaga ito dahil lagi kaming nasa field din kasi, para may matuturo pa kami dun sa mga farmers.”
Isinagawa ang aktibidad upang matiyak na bilang mga tagapagpatupad ng programa, sila ay mahusay na nakahanda sa pamamahala ng mga benepisyaryo at proyekto ng SAAD, at upang higit pang mapaunlad ang kanilang teknikal na kakayahan.
Kabilang sa mga dumalong kinatawan mula sa LGUs sina Raymar M. Diaz (Alcantara), Roland Jay Galicia (San Andres), Elmer Machon (Ferrol), Annabelle Bandala (San Jose), Josie L. Fetalver (Santa Maria), at si Municipal Agriculturist Garry Fano kasama si Emil Writz Fetecio, Livestock Association President, bilang kinatawan ng island municipality ng Banton.